20 oras na kawalan ng tubig, di magtatagal buong tag-init

Generic placeholder image

Unti-unti nang nararanasan ng mga sineserbisyuhan ng Manila Water ang paunang magandang epekto ng rotational water supply scheme na sinimulang ipatupad noong nakaraang Huwebes, Marso 14, 2019. Ang antas o lebel ng mga imbakan ng tubig o reservoirs ay unti-unti nang tumataas kaya’t simula ng nakapaghahatid ng tubig sa mga lubhang naapektuhang barangay bagamat mahinang pressure pa lamang ang nararanasan sa ibang mga lugar. Inaasahang unti-unting lalakas ang pressure sa mga susunod na araw habang ang mga imbakan o reservoirs ay napupuno upang makarating naman sa mga matataas at malalayong lugar.

Patuloy na nagsasagawa ang Manila Water ng mga operational adjustments upang mabalanse at maayos ang paghahatid ng tubig sa buong nasasakupan nito at upang siguruhin na ang naunang inanusyong 20 oras na mahabang pagkawala ng tubig ay hindi tatagal sa buong panahon ng tag-init.

Sinimulan na ring patakbuhin ang Cardona Treatment Plant sa lalawigan Rizal na bahagi ng Rizal Water Supply Improvement Project na nagbibigay na ng karagdagang 22 milyong litro ng tubig bawa’t araw at inaasahang magiging 50 milyong litro ng tubig sa kalagitnaan ng darating na buwan ng Abril. Nakatakda ring simulan ang operasyon ng mga deepwell sa susunod na buwan.

 


< Back to Agos Blog